Laging nag-iingat ng mga talaangkanan ang mga propeta.
At ito ay nangyari na natagpuan din ng aking amang si Lehi sa mga laminang tanso ang isang talaangkanan ng kanyang mga ama; kaya nga, nalaman niya na siya ay inapo ni Jose; oo, maging iyon ding Jose na anak ni Jacob, na ipinagbili sa Egipto, at pinangalagaan ng kamay ng Panginoon upang mapangalagaan niya ang kanyang amang si Jacob at ang kanyang buong sambahayan mula sa pagkasawi sa taggutom.
Natuklasan ni Lehi ang kanyang talaangkanan sa mga laminang tanso at nalaman niyang nagmula siya kay Jose ng Egipto.
Dinggin, aking mga anak na lalaki, hinihiling kong pakatandaan ninyong sundin ang mga kautusan ng Diyos; at nais kong ipahayag ninyo ang mga salitang ito sa mga tao. Dinggin, ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga unang magulang na lumisan sa lupain ng Jerusalem; at ginawa ko ito nang sa gayon, kapag naalala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalala ninyo sila; at kapag naalala ninyo sila ay maalala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag naalala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na mabubuti sila.
Ipinangalan ni Helaman ang kanyang mga anak na lalaki sa mabubuting ninuno upang sa pag-alaala sa kanilang mga pangalan ay maalala nila ang kabutihan ng kanilang mga ninuno.
Ngayon, ang propesiyang ito ay sinabi ni Adan, habang siya ay pinakikilos ng Espiritu Santo, at isang talaangkanan ang iningatan ng mga anak ng Diyos. At ito ang aklat ng mga salinlahi ni Adan, nagsasabing: Sa araw na lalangin ng Diyos ang tao, sa wangis ng Diyos kanyang nilikha siya;
Mula pa noong panahon ni Adan, iningatan ang isang talaangkanan ng mga anak ng Diyos, ang unang naitalang talaan ng pamilya.
Subalit ang mga talaan ng mga ama, maging ng mga patriyarka, hinggil sa karapatan sa Pagkasaserdote, ay iningatan ng Panginoon kong Diyos sa aking sariling mga kamay; kaya nga, isang kaalaman sa simula ng paglikha, at gayon din ng mga planeta, at ng mga bituin, gaya ng ipinaalam sa mga ama, ay iniingatan ko maging hanggang sa panahong ito, at sisikapin kong maisulat ang ilan sa bagay na ito sa talaang ito, para sa kapakinabangan ng aking mga angkan na susunod sa akin.
Iningatan ni Abraham ang mga talaan ng kanyang mga ama at sumulat para sa kapakinabangan ng kanyang mga inapo.

Maaaring nakapagbigay ako ng isang higit na malinaw na pagkakasalin nito, subalit sapat ang linaw nito upang umangkop sa aking layunin tulad ng pagkakasalin nito. Sapat nang malaman, sa bagay na ito, na ang daigdig ay parurusahan ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay na anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa—at dinggin, ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay. Sapagkat tayo, kung wala sila, ay hindi magiging sakdal; ni sila rin, kung wala tayo, ay hindi magiging sakdal. Ni hindi rin sila o tayo magiging ganap kung wala ang mga yaong nangamatay sa ebanghelyo; sapagkat kinakailangan ito sa pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, na dispensasyong nagsisimula na sa ngayon, na ang isang buo at husto at sakdal na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay nararapat mangyari, at ipahahayag mula sa mga araw ni Adan maging sa kasalukuyang panahon. At hindi lamang ito, kundi pati na ang mga yaong bagay na hindi pa kailanman naipahahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, sa halip ay maingat na itinago mula sa matatalino at marurunong, ay ipahahayag sa mga sanggol at pinasususo rito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
Ang gawain para sa mga patay ang “pag-uugnay” na nagsasama-sama sa mga henerasyon sa iisang ganap na pagsasanib.
Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikaing ganito? Sumulong at huwag umurong. Magpakatapang, mga kapatid; at humayo, humayo patungo sa tagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri kay Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa nilikha ng daigdig, na yaong tutulong sa atin na matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat makalalaya ang mga bilanggo.
Ang masayang panawagan ni Joseph Smith na sumulong sa pagtubos sa mga patay, sapagkat makalalaya ang mga bilanggo.
Dinggin, ang dakilang araw ng Panginoon ay nalalapit na; at sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagparito, at sino ang makapananatili kapag siya ay magpakita? Sapagkat siya ay tulad ng apoy ng isang maglalantay, at tulad ng sabon ng isang tagapagpaputi ng lana; at siya ay kikilos bilang maglalantay at tagapagpadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak na lalaki ni Levi, at pakikinisin sila tulad ng ginto at pilak, upang sila ay makapag-alay sa Panginoon ng handog sa pagkamatwid. Samakatwid, mag-alay tayo sa Panginoon, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ng isang handog sa pagkamatwid; at ating ialay sa kanyang banal na templo, kapag ito ay natapos na, ang isang aklat na naglalaman ng mga tala ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.
Inaanyayahan ang mga Banal na ialay sa templo ang isang karapat-dapat na aklat na naglalaman ng mga talaan ng kanilang mga patay.